Category Archives: Filipino Poems

Lipat

 

Pinunong tapat at may paninindigan

Sa ngalan ng kalayaan ng bansang sinilangan

Sinupil ang Espanya, tinaboy mga dayuhan

Siya’y si Lapu-Lapu; unang bayani ng bayan.

 

Sila’y walang kasalana! Gomez, Burgoz at Zamora!

Silang nanguna umano sa Caviteng pag aalsa

Inosenteng kamataya’y nagbukas ng mata; 

Siyang nagpatibay sa nais na paglaya

 

Sa pagpunit ng cedula nagsimula ang laban.

Tabak laban sa baril; siguradong kamatayan.

Ang walang pagal na Tandang Sora, at kamay niyang duguan;

“Mabuhay ang Pilipinas! Mabuhay ang Katipunan!”

 

Ang tatlong bituin: sina Luzviminda; 

Bughaw ng kapayapaan; makabayan ang pula.

Ang walong sinag ng araw – katapanga’y inaalala, 

Kababaihang may gawa: Natividad, Agoncillio’t Lorenza

 

Para sa bayang pinaglilingkuran

Isang sakripisyong buong katapangan

Del Pilar; sa kanyang giting at katapatan

Pasong Tirad: ang kanyang huling himlayan.

 

Inuna ang bayan kaysa pulitika

Dakilang pinuno; mahusay na tagapamahala.

Pilipinong kasarinlan – pinaglabang makilala

Manuel Quezon, ang Ama ng Wikang Pambansa

 

Iyon ay isang panahon ng kadiliman

Laganap ang takot; mailap na kapayapaan

Mga inang nananangis; dignidad ng kababaihan

O kay lupit na panahon: pandaigdigang digmaan!

 

Bughaw ang mukha ng salitang “hustisya”,

Dilaw ang simbulo ng ating pagkakaisa

Pula ang mitsa – dugo ng mahal na asawa, 

Corazon Aquino: ang Ina ng Demokrasya!

 

Mamamatay akong hindi man lang nasisilayan

Ang araw na sumikat sa mahal kong bayan.

Sa maiiwan, ito’y salubungi’t huwag kaming kalilimutan,

Kaming mga bumagsak sa panahon ng karimlan.”

 

Kadilima’y lumipas, kami’y naririto na

Kaming mga bunga ng dugong dumanak at luha.

Kami’y Pilipino, ang anak ni Inang bansa.

Mga bayaning tunay sa isip, salita at gawa.

Advertisements

Kadenang Lubid

“Kadenang Lubid”

I.

Sa bawat paggalaw, sa bawat paghinga

Hindi ka mapalagay; hindi ka masaya.

Kada pikit ng iyong mga mata,

Hindi ka makagalaw: Ika’y nakakadena.

II.

Ngiti mo ay kanilang nasisilayan.

Pilit mong tinatago ang nararamdaman.

Nakikisalo ka sa mga biro at usapan,

Hindi lang nila alam na ika’y nasasaktan.

III.

Nakabibingi para sa iyo ang katahimikan.

Ang pag iisa’y iyong kinatatakutan.

Sa pagkat darating ang kinasusuklaman.

Ang kadenang lubid: ang kalungkutan.

IV.

Ika’y nanlilit; ang sarili’y kinahihiya.

Sa iniindang lungkot; mailap na paglaya.

Hindi masambit ang kalagayan sa iba,

Pagkat ang nasa isip mo: “Ako’y wala namang kuwenta.”

V.

Isang ngiti, isang tawa, bakit hindi mo mahinata?

Ang ‘yong pandinig at pandama ay manhid na sa kapwa.

Sa iyong sarili, ang magtago ay sapat na.

Ang madamay ang iba, hindi na dapat pa.

VI.

Lingid sa’yong kaalaman ay may nag aalala.

Bawat huwad na ngiti, sila’y nababahala.

Nakararamdam sila ng tagong luha.

Nakamamalas ng iyong pangungulila.

VII.

Kapatid, magulang, kaibigan

Buksan ang mata, palawakin ang isipan.

Ika’y minamahal; ika’y pinahahalagahan.

Hindi man batid, yan ang katotohanan.

VIII.

“Ako’y walang kuwenta.” Iyan ay kasinungalingan.

Sa buhay na ito, mahalaga kang kayamanan.

Kaya’t ang pagsamo nila ay iyong pagbigyan,

Na ika’y palayain, ikay matulungan.

IX.

Lakasan ang loob, puso’y pagtibayin.

Hindi ka nag iisa sa ganyang lakbayin.

Humingang malalim, ang luha’y pahirin.

Panibagong araw may tibay na salubungin.

X.

Kung gusto ay may paraan, kung ayaw ay may dahilan.

Huwag piliin ang dilim ng kalungkutan.

Pagtingin sa sarili’y huwag nang babaan.

Manatili palagi sa piling ng katotohanan.

%d bloggers like this: